« Home | When Even » | Confession » | And Love in Return » 

Sunday, September 11, 2005 

Bakit Gusto Kong Maging Dukha

~

Dahil gusto kong gumising sa lamig ng hangin ng madaling araw
at hindi sa ginaw ng aircon


Dahil gusto kong maghapunan ng simple
kasakasama ang magulang at kapatid
sa isang maliit na mesa at may masayang kwentuhan


Dahil gusto kong makausap ang mga totoong tao
may pangarap, may prinsipyo
At dahil gusto kong magkaroon ng mga tunay na kaibigan,
walang yabang at mababaw lang din ang kaligayahan


Dahil gusto kong matuto
sa mga taong marunong magmahal ng kapwa tao
At makakatulog ako ng mahimbing
dahil alam kong wala akong ibang natatapakan


Dahil gusto kong maglaro sa ulan
na walang magbabawal
At dahil gusto kong maarawan
maramdaman na mahal ka rin ng mundo
Dahil kahit hindi malaki ang mundo
kasama ko lahat ng importante sa buhay


Dahil kahit gaanong liit na bagay ang gawin ko
sumulat, magpinta - may makakapansin


Dahil gusto kong masugatan
tanda ng aking mga natutunan
Pare-pareho lang din naman
mayaman, mahirap - nasasaktan din, namomroblema
At least kilala ko kung sino'ng kakampi ko
kahit wala akong maibibigay na kapalit
Dahil hanggat alam kong may kasama ako, kaya ko


Dahil natututo akong makuntento
kung hindi talaga para sa'kin
natatanggap kong maluwag sa damdamin


Isang kahig, isang tuka
isang patak ng luha, isang saglit na saya


Ok na din kahit simple ang buhay
hindi naman parati ang lungkot


Isa lang naman ang masakit
kahit matagal nang tanggap ko
na hinding-hindi ko maibibigay
ang buhay na nararapat sayo.


--
lei

Recent Comments

Powered by Blogger
and Blogger Templates